By: Stephie
Huwag ka sanang magtatampo kung ilang araw mula ngayon magpaalam ako bilang anghel mo. Hindi naman ako nangakong sasamahan kita habang panahon. Huwag din sanang ikasama ng loob mo ang hindi ko na pagtawag sa'yo, pati na rin ang matabang na pagsagot ko sa bawat pangungulit mo sa akin sa opisina.
Nagkamali ako. Hindi pala natin pwedeng ipagkibit balikat ang lahat at mag astang walang nagbago sa pagkakaibigan natin. Akala ko pwede nating dayain, na magagawa nating kalimutan ang kung anong naramdaman natin ng gabing iyon sa isla, pero lulan din pala ng barkong pabalik ng Maynila ang mga alaala ng duyan sa ilang.
Iniwasan nating magkita ng halos dalawang buwan at napaniwala natin ang lahat na sadyang abala lang tayo sa samutsaring gawain kaya hindi nila tayo nakikitang magkasama. Binalak nating lumabas nung minsan, pumayag ako kahit kinakabahan, pero buti na lang ikaw na rin ang naunang umatras.
Hindi pa ako handang makita ka. Ayokong tumingin sa mga mata mong naghahanap at naghihintay ng tugon. Nababasa ko ang mga tanong kahit hindi mo bigkasin, dama sa bawat buntong hininga ang pagpipigil ng damdamin at talos ang pag amin na walang kahihinatnan ang sitwasyong kinasasadlakan natin.
Hindi ako manhid. Naramdaman ko ang higpit ng yakap at init ng haik sa pisnging iginawad mo sa akin bilang pagbati.. Alam kong tumulay rin sa iyong katawan ang bolta boltaheng kuryenteng gumulat sa akin. Kapwa tayo natigilan at ang katahimikan ng ilang sandaling iyon ay binasag lamang ng kabog nang ating mga dibdib.
Nalilito ako. Nakakaramdam ng takot at pangamba, pinipilit bigyan ng rason at paliwanag ang lahat ng nakikita ko at naririnig mula sa'yo. Bakit hindi natin maiwasang maghawak kamay habang nag uusap? Bakit yumuyuko ako kapag nakikita kong pinagmamasdan mo ako na tila gusto mong sauluhin ang bawat sulok ng aking mukha?
Siguro, tulad ko, naririnig mo rin ang bawat tick tock ng orasang gusto nating takasan. Kung maaari lang sanang hilahin ang mga segundo at hadlangan ang napipintong pagwawakas ng kwentong tayo ang pangunahing nagsisiganap. Kaso hindi pwede. Sa ayaw natin at sa gusto, kailangang magtapos ang palabas na ito. Lamang, may iiyak sa pagsasara ng telon.
Ipahintulot mo sanang ako na ang magpaalam. Payagan mo na akong lumayo bitbit ang masasayang alaala ng pagkakaibigang iningatan ko at minahal. Ayoko nang hintayin pang mapatid ang gahiblang sinulid na tinawid natin sa isla.
Aalis na ako bago mahuli ang lahat. Ayokong abutan ng liwanag mo ang puso kong nagkukubli sa dilim.
2 comments:
got nice posts...had fun reading 'em
hi kaloi! Thank you for taking the time out to read them. I've just started writing again a month ago. Hope you can drop by again soon :).
Post a Comment