Explore Amazon

6.12.2005

HAMOG


**I will always, lovingly refer to this poem as my fistborn.

Sinabi mo,
tinipong luha ng mga tulad kong anghel ang ulan.
Pagpapalang pinabubuhos ng Lumikha
pandilig sa tigang na lupa.
(Minsan,
pambanlaw din sa nanlilimahid na kaluluwa).

Humihiling kang umulan
nang maski papano'y maibsan
ang init at alinsangang kasiping mo sa magdamag.
Mga banayad na patak,
mumunting daliring hahaplos sa nangungulila mong kalamnan.
Masusuyong halik, matatamis na ngiti,
dadaloy sa natuyot nang gunita.

Paano’y kaytagal na (sabi mo),
buhat ng huling umulan.
Gayumpaman,
nananalig ka, nanampalataya,
Darating siya sa itinakdang araw ng Ama,
at magbabago ang lahat.

Tulad mo,
ako rin, naninikluhod na umulan.
Buong hinagpis na tumatawag ng kidlat at hangin,
Anghel na nagmamakaawang lunurin na ng langit.

Ihihingi kita sa Kaniya ng tagapaghatid ulan.
Dahil sabi mo,
sa isanlibong buhos na iniluha ko,
hindi ka nakasumpong ni manipis na hamog.

A.S.Cruz
Revised May 17, 2005

allvoices

No comments: