Explore Amazon

6.12.2005

Gisadong Pansit


Magluluto ako ng pansit
dahil kaarawan ni Inay.
Ayon kasi sa kasabihan,
pampahaba daw ‘to ng buhay.

Maaga akong bumangon,
ngumiti, gumayak para manindahan.
Kailangan maging espesyal
paboritong ihain pa naman.

Inihanda lahat ng rekado:
mga gulay ginayat ng maninipis;
mga lahok—baboy, manok, laman loob
hinimay at hiniwang maliliit.

Sumasagitsit habang iginigisa
bawang, sibuyas, sa kumukulong mantika
Nakatatakam na halimuyak
Naglalagos sa buong kusina.

Ngunit bakit sa bawat pagluluto ng pansit
bumabalong ang mga alaala?

Ang panimplang patis at pansabaw na tubig
sing-alat at sinlalim ng mga luha.
Ang paminta, maaanghang na salitang
hindi napigilang kumawala;
Sabaw na pinakulo ng mahabang panahon
di mapalambot mga pusong tikom.

Unti-unting inilalagay ang bihon
iniingatang huwag lumabsa.
Tulad ng bawat paglapit ko,
nangingiming muling mapahiya.

Luto na ang paboritong pansit ni Inay,
bagong hango at umuusok pa.
Pinagpagurang lutuin ngayong kaarawan niya,
pero tulad ng dati,
kakanin ko na namang nag-iisa.

May 21, 2005

Happy Birthday Mommy

allvoices

No comments: