Explore Amazon

6.12.2005

Duyan

By: Anne Stephanie Cruz

Kung tutuusin, walang sapat na dahilan para malungkot ako. Hindi ako dapat bumubuntong hininga ngayon at iniisip ka. Nanghihinayang na wala ka na at nami- miss yung dating kakulitan at paglalambing mo sa’kin. Gusto kong isiksik sa isip ko na hindi ka kawalan, na madami pa naman akong ibang kaibigan. Pero bakit nanghihinayang ako at hinahanap kita?

Dalawang araw na ang nakakaraan pero eto pa rin ako, paulit-ulit pa ring nire-replay ang mga eksena sa isip ko, pinipilit i-trace kung saan nagsimula, o sino ang may sala. Yun bang isang case na San Mig Light? Yung Malboro Reds na nagkanda ubo ubo ako sa paghithit pero sinadya mong bilhin para dalain ako? Yun bang pagkukuwento ko sa’yo sa mga nangyari sa buhay ko nung ilang buwang hindi tayo nagkita at nag usap? Yun bang daring na dress na sinuot ko nang gabi? O yung makitid na duyan na hinigaan natin sa ilalim ng mga bituin?

Tumatahip na ang ulo ko sa kaiisip pero wala pa ring malinaw na sagot. Ang alam ko lang, magkaibigan tayong matagal-tagal na hindi nakapag bonding. Hindi naman bago sa atin ang mag marathon nang inuman, diba nung huling outing nga inabot tayo ng alas singko sa labas, halos anurin tayo nang ga- higanteng mga alon sa Anilao? Anong pinagkaiba nang Sabado nang gabi sa lahat ng araw na magkasama tayo at magkausap?

Bakit sa gabing iyon pinili mong talikuran ang pagkakaibigan natin? Sa ilalim ng itim na kalangitang sinabuyan ng mga bituin, sabay sa marahang pag ugoy nang duyan at sa pag iyak nang kung anong ibon sa ilang. Gusto kong isiping lasing ka lang, o nalulungkot. Ayokong lagyan nang kulay at bigyan ng ibang dahilan ang paglapat ng mga labi mo sa akin. Na paulit ulit mong inuusal ang salitang “sorry” at naiinis ka na sa sarili mo pero hindi ka rin naman lumalayo at patuloy ka pa rin sa paghingi ng halik.

Sabi nila kapag tinawid na ang gahiblang sinulid na naghihiwalay sa magkaibigan, mahirap nang bumalik. Dati hindi ako naniniwala dito, pero ngayon nakikita kong totoo. Ni hindi mo na makuhang tumingin sa akin kinabukasan,at ni ayaw mo akong kausapin. Nag text ka minsan para sabihing patawarin kita at nami miss mo ako, pero pagkatapos nun, parang hindi mo na ako kilala.

Pinatawad naman kita. Sabi ko kalimutan mo na yon. Hindi naman napakalaking kasalanan ng pag halik mo sa akin…pero sinabi mong manhid ako.

Sa tinagal tagal nang pagkakaibigan natin ngayon mo lang ako tiniis. At hindi ko lubusang maunawaan kung bakit. Siguro dala ng hiya sa ginawa mo, o pagkapahiya na hindi ako nagpaubaya. Sorry kung nasaktan ko ang “ego” mo. Pero mas pinahahalagahan ko yung pagkakaibigan natin.

Madami ring tanong na tumatakbo sa isip ko, may mga maliliit na eksenang pilit kong hinahanapan ng kahulugan…tulad ng marahang paghaplos mo sa mukha ko, o paghagod sa buhok ko. Sa paghawak mo nang mga kamay ko at pagsasabing ipanatag ko ang loob ko dahil nandito ka. Na wala akong dapat ikatakot dahil hindi mo ko pababayaan. Na sa gabing iyon, ako ang prinsesa mo.

Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit nakaramdam ako ng katahimikan ng hagkan mo ako sa noo at sabihing babantayan mo ako sa pagtulog at gigisingin bago sumikat ang araw. Yun pala, pagdating nang liwanag, mawawala ka na…yung dating ikaw na kilala ko.

Siguro nga hindi ko makakalimutan ang islang ito. Maraming magandang ala ala, magagandang lugar na nakita, mga bagong kakilala…dito ka rin nawala. Dito, sa tabi ng kakahuyan, saksi ang mga alon at batuhan, nabahiran ng malisya ang dating inosente at masaya nating pagkakaibigan. Paano na ngayon bro? Ni hindi ko na makukuhang umakbay o yumakap sayo, matatakot na ako dahil baka bigyan mo ng ibang kahulugan. Sabagay, ni hindi nga pala tayo nag uusap.

Manhid na kung manhid. Pero ma miss ko yung paglalambing mo. Yung pagdadala mo nang kung ano anong pagkain sa opisina para sakin, yung pagtawag para kamustahin lang ako o paalalahanan na umuwi nang maaga. Hahanapin ko yung pag te-text mo ng gud nyt at pag p pray mo sa akin tuwing Miyerkules kapag nagsisimba ka sa Baclaran.


Ma mi miss kita, may isang daan at isang dahilan kung bakit Sana lang, dumating ang araw na harapin mo akong muli, kapag nakalimutan mo na ang iyak ng mga ibon sa ilang, ang hampas ng mga alon sa batuhan at ang pag ugoy ng duyan sa isla.

allvoices

No comments: