Ngalan mo’y Sisa
ngunit kailanma’y di ka haharap sa madla
nang nakayapak, nanlilimahid.
Bagamat gulagulanit ang isip,
baliw na sa pangungulila,
di lalaboy para hanapin sina Crispin at Basilio
sa mga lansangan ng Maynila
(paano’y edukada ka,
titulada)
Tableta, iniksyon,
ilampung oras ng konsultasyon
ito ang alam mong lunas sa pabalik balik na mga bangungot,
sa paghiyaw maski ng pusong bato sa’yong palasinsingan:
“Ina ka, Ina ka!”
Nang-uusig ang salamin,
nanunumbat pati dingding
uyayi’y ibulong man sa hangin wala nang tengang papansin
(paano’y pilit, ensayado,
pag-aaruga mo’y tubog sa ginto)
Ipinagyabang pa sa anino:
kailanma’y di luluhod ang isang Ina,
kapag suwail ang mga anak
pwes palayasin at alisan ng mana!
pag nakatikim ng hirap
tyak babalik at babalik rin sila.
Ngunit heto ka,
muling nilulunod ng alak
mga nilunok na kataga.
Sa Mandaluyong ka na naman dadatnan ng umaga.
A.S. Cruz
6.16.05
No comments:
Post a Comment