Explore Amazon

6.12.2005

Kumot

Ni: Anne Stephanie Cruz

Humupa na ang alinsangan ng magdamag,
naririnig na muli ang pagaspas ng mga dahong
isinasayaw ng malamig na hanging umiihip, sumisilip,
nanunubok bago tuluyang magpawala ng ginaw.

Sa mga gabing tulad nito masarap magbalot ng kumot,
maglunoy sa himbing ng pagtulog
dulot ng makapal na telang yumayakap sa buo kong pagkatao.

Payapa ang isip,
panatag na babaybayin ang daigdig ng panaginip
kahit pa nagdadabog ang mga patak ng ulan sa bubungan.

Dati rati'y hanap ka sa tuwing magbabadya ang unos,
nakaugaliang sumukob sa mga bisig mong tila kumot---
noong una'y pumapawi ng takot, kumakalinga
kalaunan, siya rin palang sasakal at kikitil sa laya.

Maging ang puso natuturuan ding mamaluktot,
kapag nababad sa mahabang tag-ulang walang kumot.
Mangatal man ang laman sa lamig ng pag-iisa,
'di na nanaisin ang ika'y muling magbalik pa.

allvoices

No comments: