Explore Amazon

7.28.2005

Sa Dalampasigan


ni enrico c. torralba

Lunggati ng aking isipan at puso
Sa dalampasigan ay muling yumapak,
Yumakap sa himig at mga pangarap
Na alay ng alon at hele ng simoy.

Sa tagpuang ito ng duya't pangarap
Malimit bumulong ng awit ang simoy,
Puno ng anyayang mag-iwan ng yapak
Sa sinapupunan ng laot at puso.

Dama ang balanggot kapag nakayapak,
Pati ang taklobong nais magsapuso
Ng mithi kong sundan ang laro ng simoy
Sa mga naglayag at mga nangarap.

At kung sakali man mag-iba ang simoy,
Hindi maliligaw ang mga pangarap,
Hindi mababasag sa bato ang puso,
Tuluyang mabura ang nilikhang yapak

Sapagkat ang tibok ng puso't pangarap,
Kandili ng simoy at naiwang yapak.

allvoices

No comments: