Explore Amazon

7.21.2005

Larawan

LARAWAN
May mga litratong kailanma'y
hindi isisilang sa liwanag--
mga tagpong isa-isa kong pinilas
mula sa aklat ng nakaraan,
pinag-ingatang ipunin at pagtagni-tagniin
upang ika’y mailarawan:

Tatlong puting rosas sa mesita.
Mainit na sopas kung ako’y nilalagnat.
Halik na tumutuyo sa aking mga luha.
Pagsundo kahit kasagsagan ng baha.
Pakikipaghuntahan kina itay at kuya.
Siyam na gabing pagsisimba.



Ganito kita nais maalala mahal,
at hindi kung paano ka nila ipinipinta.
Sa sinasabi ng ibang nag aanyong halimaw ka na
sa kagaspangan ng iyong mga gawi at pananalita,
ayaw nitong puso kong maniwala.

Mariin kong ipipikit ang mga mata,
at sa lambong ng pagkukunwari'y
mamasdan ang larawan sa gunita---
ang ikaw na una kong nakilala

Masisisi mo ba ako kung piliin kong
wag nang dumilat pa?

stephie
7.17.05

allvoices

No comments: