Explore Amazon

1.30.2006

Tulang Tuluyan:


Tubig-Tabang

by Stephie

Sa ilog na lamang tayo magtagpo mahal. Kung saan marahan ang agos ng tubig sa batuhan. Di tulad ng mapupusok na alon sa dagat na makailang ulit ka ring tinangay. Pailalim. Sa isang
panaginip na ubod dilim.

Dito sa ilog malinaw ang lahat. Naaaninag ang tunay na hubog at kulay ng bawat bagay sa ilalim ng tubig. Samantalang ang dagat, tuso at mapaglihim. Mapanlinlang ang kabuuang ikinukubli ng lalim at bula ng tubig-alat. Batid kong hanap ng iyong mga paa ang pinong buhangin ng kaniyang dalampasigan; ang kiliting dulot ng halik ng tubig sa talampakan. Pagsapit ng takipsilim, unti-unti niyang inilililis ang mga alon, paanyayang muli mong sisirin ang pusod ng kaniyang alindog.

Minsan ka lamang namahinga sa ilog. Nanalungko sa batuhan at minasdan ang sarili. Hindi nagsinungaling ang tubig. Hinugasan ang asing ngumangatngat sa kayraming mga sugat. Kay alat ng iyong mga luha.

Umawit ang ilog, ngunit tawag ng alon ang tanging naririnig.

Sa ilog na lamang tayo magtagpo, mahal. Kapang naunawaan mo nang hindi maaring maging dagat ang tubig-tabang.

January 29, 2006

allvoices

No comments: