Explore Amazon

2.08.2006

Kung Sakaling Malimutan Mo Ako

(pasintabi kay Neruda)
anne stephanie cruz, marlon hacla, 2/8/2006
Kung sakaling malimutan mo
na minsan nating kinalag ang ating mga puso
upang maglaro at takasan ang kabog
ng ating mga dibdib,upang hanapin ang mga pakpak
ng anghel ng dilim, upang liparin ang mga lagalag na planeta
ng ating mga damdamin
nang buo, hawak-kamay at nagtatalik ang diwa,
nang di batid na nakasilip ang mga tala,
huwag kang tumangis, huwag kang malungkot.
Walang maiiba.
Patuloy kong lalakbayin ang hinabing-lubid ng mga ala-ala,
mananahan sa bawat hibik mo't hagikhik,
at babalikan ang walang-imik mong mga yabag sa aking puso,
patuloy kong hihipuin ang mga nalaglag na kristal
mula sa iyong mga halik.
Kung sakaling malimutan mo ako
at mabura ang mga alpabeto ng pag-ibig
na inukit ko sa iyong balat,
kung sakaling maumid ang iyong dila at malimutan
maging ang bigkas ng aking pangalan,
huwag kang mabahala. Walang maiiba.
Hindi ko bibitawan ang ating mga gunita.
Sapagkat sumumpa ako sa nakasilip na mga tala,
saksi ang lagalag na mga planeta,
na huling pagkalag na ng aking puso
noong gabing kapiling ka.
***
Thank You, Marlon!

allvoices

No comments: