Tula ni Mark Angeles
Mahal kita sa pinakamailap kong pagmamahal
Kasing-ilap ng makahiyang tumubo sa batuhan.
Tumitiklop kung madampian ng palad
o masayaran ng talampakan.
Humihilig kung biglang mahipan.
Matama itong nakikinig sa iyong tinig
na tulad ng lagok ng tubig sa payapang batis.
Naririnig na tila kuliling ng anghel
maging ang tahimik mong paghagikhik.
Mahal kita sa pinakamailap kong pagmamahal.
Naghahawan ako ng talahib sa iyong dinaraanan.
Maingat na lumilisan. Walang iniiwang bakas.
Hindi naghahangad na iyong matuklasan
ang ibinigay sa aking palayaw.
Walang tinitipang harana o isinosobreng liham
na maaaring mapasakamay ng iyong mga kaibigan.
Kung sakaling ibulong sa iyo ng mga talahib
itong pagkamailap ng aking pagmamahal,
akin silang tatagpasin hanggang walang maiwan.
Tutupukin ang mga natirang haplit ng alingawngaw
na naghihingalo sa nangayupapang mga luntian.
Ililigpit ang lahat ng maaaring makapagpabatid
na may ganitong pagmamahal akong inaalagaan.
Dahil itong mailap na pagmamahal ay nagbiling
magpagapas sa oras na mabunyag ang pamumukadkad.
Mahal kita sa pinakamailap kong pagmamahal.
Hindi naghihintay ng anumang paglingap.
Hindi nangangailangan ng anumang kasiguruhan.
Basyong kristal na mag-isa kong pinakikintab.
Malinaw sa akin ang bawat katangian:
maningning sa tag-araw, mapusyaw sa taglagas.
At kung sakaling ito ma'y mabasag,
wala kang dapat ipaghingi ng tawad.
Kusa itong maglalaho sa likod ng matatandang puno,
pag-alulong ng mga asong gubat sa amarilyong buwan.
No comments:
Post a Comment