Explore Amazon

7.04.2006

Yol Jamendang Poems


1. Tubig
Tubig
Bagyong mapaniil ang gabi.

Heto ako,
nakababad sa dilim,
natutunaw
sa aking pag-iisa.

Lason
ang mga ala-alang
pumapatak
sa aking diwa-
ang mga gabing
isda ang iyong dila
sa dagat
ng aking balat,
tinutuklas
ang mga bahaging
tubig lamang dati
ang sumasalat.

Binuksan ko ang bintana
para bumuhos ang
liwanag
at hugasan ang aking
pangungulila.
Sumalubong sa akin
ang libu-libong
patak
ng ikaw-

nariyan at nariya'y
hindi ko mayakap.
2. Wakas

Kalungkutan
ang hangganan
ng mga bagay
na inakala nating
walang katapusan.

Kailanma'y
hindi natin narinig
ang babala
ng paghihiwalay;
ang kanyang
mga pahiwatig
na isang patak lang
ang ating dagat,
iisang dangkal
ang ating langit.
Nilunod natin
ang kanyang tinig
sa ingay
ng mga damdaming
hindi natin pinangalanan,
sa mga luhang
itinago natin sa isa't isa.

Tapos na ang lahat.
Ang nagpapatuloy
na lamang
ay ang pagpatak
ng mga luha.

allvoices

No comments: