Explore Amazon

12.28.2005

Tag-tuyo

by: Anne Stephanie Cruz

Tag-tuyo na naman.

Tapos na ang panahon ng morkon at hamon.
Buong Disyembre ring nagpakasasa sa sarap ng karne.
Pumapalatak pa, napapapikit,
ninanamnam ang bawat pagsimsim sa katas ng malasang laman.

Bihira kasing mamantikaan ang mga labi.
Bihasa na ang mga daliri sa paghimay ng tuyong
saglit lang idinarang sa mainit na kawali.
Manhid na sa halos isang taong pagdidildil,
matugunan lamang ang kalam ng kalamnan.

Ngayon, tag-tuyo na naman.
Ngunit di tulad ng mga nagdaang panahon,
may kislap sa mga matang maghihintay na muling masayaran
ng hamon ang mga labi kong inaalat.
Nangangarap na sa darating na taon,
higit isang beses sasapit ang Pasko.

allvoices

No comments: